MORION'S TRAVEL

TRAVEL NOTES| Si Mamang Tsuper ng Balibago Highway



Masarap umupo sa unahan ng jeepney hindi ko nararamdaman ang pagkabagot. Maingay, maalikabok, mainit at idagdag pa ang paminsan-minsang nakikisakay na mga mandurukot pero ba't hindi nakakapagod at nakakasawa ang araw-araw na biyahe. Sa  araw-araw na pagsakay ko sa paboritong transportasyon ni Juan de la Cruz, samu't-saring kwento ang aking nasasagap. Hindi naman ako tsismoso, hindi lang  siguro maiwasan na mapakinggan ko ang mga kwentuhan lalo na pag nasa jeepney ka...

Martes,umaga, trapik na naman!


Pangkaraniwang araw sa daang Balibago- Santa Rosa Bayan...

Sa unahan ng jeep namin napiling sumakay kanina ni Ms Adel tutal pareho din naman kami ng destinasyon. Abala sa kwentuhan ng mga bagay-bagay na nakapagpapalipas oras at pamatay sa inip sa gitna ng buhol-buhol na trapik...

Wari'y nakuha namin ang atensyon ng medyo may edad na na  tsuper at kaswal ang pagsingit nya sa usapan habang sinisita ang 2 estudyante sa elementarya.
"Wag kayong tatalon sa pagbaba! Naku katitigas ng ulo ng mga bata... magkano lang ang pasahe pag nadigrasya kayo libo magagastos ko pampagamot!"

Natigilan kami sabay tingin sa tsuper. Tama nga naman ang punto ng tsuper. Nginitian namin siya tanda ng pagsang-ayon.
"Naku nung panahon namin yang ganyan kaigsing destinasyon sisiw yan kumpara sa ilang kilometro naming nilalakad (wala pa kaming tsinelas)mula bahay hanggang school. Sabagay iba na nga ang panahon ngayon."

Itinanong niya kung tagasaan kami...

"Mindoro po", sagot ni Ms Adel.
"Marinduque po", tipid kong sagot.

"Ah, malawak ang lupain ko dyan sa Mindoro, sa Barcinagga Naujan. Taniman ng rambutan at kalamansi at yung pamangkin ko ang nag aalaga."

Hindi man namin usisain wari ko'y nakuha nya ang tanong namin kung bakit sya nagtitiis na mag tsuper dito sa Sta. Rosa gayung malawak naman pala ang lupain nya sa Mindoro...

"Dati akong Chief Engineer sa Viva Shipping Lines at ng swertehin ay nakuha ng isang international shipping lines sa Amerika. Naka Twenty-fives years din ako sa International Shipping and the age of 30 plus nalibot ko ang mundo"

Kami nama'y natigilan...

"Bakit po kayo ang nagmamaneho ng jeepney nyo?"
Di po ba dapat po ay nagpapakasarap na lamang kayo tutal malaki naman ang natanggap nyo sa pagreretiro at medyo maedad na rin kayo?"
Magkasunod na mga tanong ko.

"Naku mahirap ang nakatigil lang ngayong panahong ito. Sabi nga ng mga anak at asawa ko ay magpasarap na lamang ako sa buhay. Ay yan ang mali! Sa hirap ng buhay ngayon, ang bawat sentimo mahalaga. Bale tatlo ang jeep ko na nabili... Ako na ang nagmamaneho nitong isa at binawi ko sa drayber dati at nasasalaula... Totoong mahirap ipagkatiwala sa mga taong hindi nagpapahalaga sa mga ipinundar mo na dugo at pawis ang iyong puhunan."

Patuloy ang aming pakikinig...

"Kung tutuusin wala na akong iintindihin pa. Ang mga kasama ko na lamang sa bahay ay mga nagpapaampong mga pusa at asong kalye at isang pamangkin na pinag aaral..."

Itinanong ko kung nasaan ang pamilya nya...

" Nasa ibang bansa na lahat. Ang asawa ko ipinetesyon na ng mga anak ko sa Amerika. Ako naman anytime pwedeng pumunta dun. Pero sabi ko, mas masarap pa rin kung dito ka lulubugan ng araw sa atin...."

Tahimik pa rin kami ni Ms. Adel habang seryosong nakukuha ang kwento ng buhay ni Manong...

"Tumawag nga ung isa kong anak na lalaki kahapon... Sabi, Daddy pinadala ko na ung pang kape mo na 25 thousand. Pero hindi na lang dahil sa pera kaya ako maligaya..." 

Ay paano po yan, ang layo nyo sa pamilya nyo?

"Yun nga lang. Pero ako naman simula pagkabata bago ko naabot lahat ay samut-sari muna ang naranasan. Kahit nga ang mga anak ko tinatawanan lamang ang kwento ng buhay ko pag binabangkit ko . Hindi ko alam kung naniniwala sila. Parang teleserye at  hindi mo nga naman paniniwalaan na mangyayari.

Tubong Mindanao ako. Apat kaming magkakapatid. Parehong titser ang mga magulang namin. Yun nga lang minalas, maaga kaming naulila at hindi naman kami kinilala ng mga lolo at lola namin na sabihin na natin na may mga pera din. Kaya talagang kami-kaming apat ang nagtulungan para mabuhay. Naranasan nga naming matulog sa ilalim ng lamesa sa palengke at sa araw ay nag-sa- shine ng sapatos. Hanggang sa makilala naman kami ng isang pari na kumupkop at nagpaaral sa amin hanggang hayskul. Sa kamalasan na naman, magkokolehiyo na kami namatay naman ang Pari!

Nangarap na makarating ng Maynila. Tinatawanan nga ako kapag sinasabi ko noon na makakarating din ako ng Maynila, makakapag-asawa ng titser at makakarating ng Amerika!

Talagang pursigido kaming makarating ng Maynila. Nakiusap sa mga pahinante ng barko na makasakay ng libre kapalit ng pagiging tagalinis habang nasa byahe - makarating lamang ng pangarap naming Maynila. Pagdating dun, hinanap namin ang mga kamag-anak. At sa wakas,  sa Batangas natagpuan ang isa. Hindi kalaunan, nakapagtrabaho ang kuya ko at pinag aral ako ng kolehiyo. Nang  makatapos at nakapagtrabaho sa Viva, dun ko sinabi sa kuya ko na panahon naman niya. Pinag- aral ko sya sa kursong Dentistry. Nung makatapos ang kuya ko sunod naman naming ikinayod ang bunso!  Sa awa ng Diyos, naka gradweyt din sabay ang pagkakapasa ko ng exam at makapasok sa International Shipping Lines. Pinag-aral din namin ang aming panganay na Ate na nakapag asawa ng maaga. Nakatapos din at ngayon ay isa na ring guro...

 Akala ko nga biro din ng tadhana na magkakatotoo ang aking pangarap, ang napangasawa ko ay isang guro!"

Nagtawanan kami. Pati ang mga nasa likurang bahagi ng jeepney! Parang biro nga lang ang kwento ni Manong Tsuper. Biro na may kurot at inspirasyon. Pang Maalaala Mo Kaya ika nga'.
Sa pagbaba namin sa jeep nakangiti pa rin kami dala ng inspirasyon sa kwento at Biro ng buhay ni Manong Tsuper:)
____________________________________________________________________________________________________

No comments:

Post a Comment

Thank you for visiting TravelingMorion.com
Feel Free to drop/leave comment/suggestion(s) here :)